Sabado, Enero 28, 2012

Kasaysayan ng Teatro Pabrika


TEATRO PABRIKA
ni Bobet Mendoza

(Nalathala ang aktikulong ito sa Tambuli, magasin ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Abril 1999, pahina 48-50)

Ang kasaysayan ng Teatro Pabrika ay maaaring hatiin sa apat (4) na yugto upang makita ang mga pagbabago at pag-unlad nito: Unang yugto (1978-86), ikalawang yugto (1986-1990), ikatlong yugto (1990-93), at ikaapat na yugto (1993-kasalukuyan [1999]).

Unang yugto (1978-1986)

Sa Rubberworld Philippines, Inc., Novaliches, Quezon City nagmula ang kinikilalang unang grupong pangkulturang nagbigay ng malaking ambag sa pagtatayo ng Teatro Pabrika, ang Tanghalang Silangan ng Bisig Pagkakaisa NAFLU. Noong 1978, sa pangunguna ng yumaong Sergio "Jojo" Atilano at lima pang katao, ang Tanghalang Silangan ay naging pangunahing komite ng unyon sa gawaing propaganda at pagpapasulpot ng pinansya. Nagpupunta ang grupo sa mga komunidad ng mga manggagawa, mga institusyon at organisasyon upang maghandog ng mga awiting tumatalakay sa mga usaping pang-unyon at panlipunan. Naging tradisyon ang gawaing ito ng Tanghalang Silangan na nang lumaon ay tinawag na Haranang Bayan. Sa anumang okasyon ng mga manggagawa, naroroon lagi ang Tanghalang Silangan, mapa-birthday, binyag, kasal at lalung-lalo na sa mga lamayan. Binabahay-bahay nila ang mga manggagawa hanggang sa maitayo ang tunay, palaban, makabayang unyon noong 1981.

Sa pamumuno ng BP-NAFLU, ang Tanghalang Silangan ay gumampan na behikulo sa pagpapalaganap ng paninindigan ng unyon sa mga isyu sa loob at labas ng pagawaan. Sa panahon ng certification election, ang Tanghalang Silangan ang nagpapatingkad sa katangian ng mga kalabang unyon at huwad na mga lider manggagawa sa pamamagitan ng mga awit, dula at effigy.

Ikalawang yugto (1986-1990)

Matapos ang Certification Election sa Rubberworld noong 1986, lalong naging aktibo ang Tanghalang Silangan. Hindi lamang naging aktibo sa larangan ng pagtatanghal at paglikha ng mga produksyong pansining kundi muli nilang isinagawa ang pag-oorganisa ng mga grupong pangkultura sa mga kalapit pabrika sa Quezon City. Unang-una na dito ang SIKAP, ang grupong pangkultura sa Alphameric sa Barrio Kapri, Novaliches. Sinundan ito ng grupong puro kababaihan na pinangalanang SIKLAB sa Labrador Technology (LABTECH), Cubao. Di nagtagal at naitayo naman ang PATALIM sa Distilleria Limtuaco, Balintawak, Q.C.

Sa "Tianggeng Obrero" na ginanap sa Rubberworld noong Abril 1988, pormal na ipinakilala sa madla ang Quezon City Trade Union Cultural Group (QCTUCG) na binubuo ng Tanghalang Silangan, Siklab, Sikap at Patalim.

Naging matagumpay ang pagsasama-samang ito. Kaya lang natagurian silang pang-aliw lang o pampasigla sa mga programa, o kaya'y pang-alis inip at antok. Nagsilbing hamon ang mga taguring ito sa QCTUCG upang pag-ibayuhin ang pag-aaral at pagsasanay sa larangan ng gawaing pangkultura.

Kaya noong Setyembre 10-11, 1988, inilunsad ng QCTUCG sa pakikipagtulungan ng PETA ang Workers Forum I. Sa porum na ito ay natalakay ang mga problemang kinakaharap ng mga grupong pangkultura na nabigyan naman ng kasagutan.

Dahil sa matagumpay na kinalabasan ng porum, lalong naging aktibo ang mga kasapi ng QCTUCG sa pag-ugnay sa iba't ibang pagawaan sa Quezon City. Nakapaglabas ito ng isang produksyon na pinamagatang "Paraisong Rehas" na itinanghal sa Our Lady of the Angels Seminary (OLAS) sa Bagbag, Novaliches, Q.C. noong Setyembre, 1989.

Mula rito'y lumawak ang kasapian ng QCTUCG. Nabuo at napasama ang mga grupong SAKSI (Sining at Kultura sa Sportswear International) sa Frisco, QC., HIMAGSIK mula sa Cardinal Ceramics sa Tala, Novaliches, at ang Wings Cultural Group sa Bagbag, Novaliches na nang lumaon ay napaloob sa Tanghalang Silangan dahil sa pagsasara ng Wings at paglipat ng mga manggagawa nito sa Rubberworld.

Ikatlong yugto (1990-1993)

Noong Hulyo, 1990, ang ikalawang Kongreso ng KMU-NCRR ay inilunsad sa UP Film Center sa Diliman, Quezon City. Sa kongresong ito ay nahirang ang QCTUCG na manguna sa pagdadala ng programa ng kongreso. Sa pagkakataong ito, napabilang ang isang grupo mula sa Malabon, ang Sinagtala. Naging puspusan ang paghahanda ng mga grupo upang maging makulay ang okasyong ito. At sa pagsapit ng aktwal na araw ng Kongreso ay iniluwal ang bagong katawagan, ang All Kilusang Mayo Uno National Capital Region Rizal Trade Union Cultural Groups (AKMUNCRRTUCG). Naging matagumpay ang pagtatanghal sa Kongreso at dito'y nagkaroon ng biglaang pagpapasya ang mga lider ng grupo na magpasa ng resolusyon hinggil sa pagbubuo ng mga grupong pangkultura sa mga unyong kasapi ng KMU-NCRR na walang katutol-tutol na sinang-ayunan ng kongreso. Dahil dito ay naobliga ang mga lider ng QCTUCG kasama ang ilang lider ng Sinagtala na panghawakan na ang ideyang ito na itayo ang isang samahan o kilusang kultural sa antas-rehiyon. Sa tulong ng ilang lider ng KMU-NCRR ay naitayo ang Teatro Pabrika noong Nobyembre 17, 1990.

Ang unang malaking proyektong isinagawa ay ang produksyong itinanghal sa Folk Arts Theater na pinamagatang Haranang Bayan I noong Abril 27, 1991 bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Mayo Uno. Sa mga plano at gawain ng Teatro Pabrika lalong dumami ang kasapian nito. Nabuo at napaloob ang mga grupo tulad ng DALOY ng UDI sa Pier, MASO ng Gigantic sa Navotas, Silver Wind Cultural Group sa Balintawak, Q.C. at indibidwal na kasapi mula sa Manila Paper Mills sa Sangandaan, Novaliches.

Muling nagtanghal ang Teatro Pabrika sa Dulaang Rajah Sulayman sa Fort Santiago, ang Haranang Bayan II noong Abril 26-28, 1992. Isang pagtatanghal ito na nagbibigay diin sa karnabal na eleksyon.

Sa panahong ito, nabuo ang grupo sa Taguig tulad ng BAGWIS ng Top Form Garments, Century Canning Cultural Group, FTI Cultural Group at ZandFabric. Sa Pasig man ay nabuo ang Grandwood Cultural, sa Cainta naman ay naugnayan ang General Milling Corp., samantalang ang Cultural Group sa Fortune Tobacco ay sumapi na rin sa Teatro Pabrika. Nabuo rin ang grupong pangkultura sa Manila Plastic, Malabon. Sa Bagong Barrio sa Caloocan ay ang Signature Cultural Group, sa Maynila ay ang SIKATAN mula sa Tanduay Destillery, sa Quezon City ay ang Champion Electronics Cultural Group at sa Valenzuela ay samahang kultural sa antas munisipalidad sa pangunguna ng Metro Concast Cultural Group, MKK cultural at ilang fulltime na lider.

Noong taong 1992-93 nagsimula ang kalitatibong pag-unlad ng Teatro Pabrika. Nagkamit ito ng unang gantimpala mula sa Kritika - isang samahan ng mga manunuri ng dula sa Pilipinas - para sa dulang "Kabuhayang Tagpi-Tagpi". Isang dula itong lubhang hinangaan at kinilala hindi lamang sa sektor ng paggawa kundi maging sa iba pang sektor sa lipunan. Isang dulang nagbigay pangalan sa Teatro Pabrika upang makilala hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa labas ng bansa laluna sa Japan dahil sa taong ding ito naimbitahan ang mga piling kasapi ng Teatro Pabrika na magtanghal at magbigay ng pagsasanay doon.

Taong 1993, nahati ang kilusang rebolusyonaryo. Maraming nanghina. Maraming nagpahinga. Ngunit ang Teatro Pabrika ay matatag na nanindigan sa tama at totoo. Bagamat lubos ding naapektuhan ang bilang ng kasapian dahil nahatak ng KMU ang ilang mga grupong kasapi nito ay wala pa ring pag-aatubiling ipinagpatuloy ng Teatro Pabrika ang kanyang mga gawain.

[Noong Setyembre 14, 1993, ang KMU-NCRR ay bumaklas sa KMU-nasyunal, at ito'y naging Bukluran ng Manggagawa para sa Pagbabago o BMP.]

Ikaapat na yugto (1993-1999)

Matapos ang baklasan, muling nagkonsolida at nagpalakas ang Teatro Pabrika. Nabuo nito ang Tinig ng Paglaya (TIPA) sa Taiping, Muntinlupa at Gilas sa Gelmart sa Bicutan. Sinikap ng Teatro Pabrika na maikonsolida ang kasapian nito. Mula dito'y tumindig ito bilang isang independyenteng organisasyon, kung kaya't nailunsad ang Unang Kongreso ng Teatro Pabrika noong Marso 27, 1994.

Naging taunan ang imbitasyon sa Teatro ng ilang samahan sa Japan. Kinilala na rin ito ng mga institusyon ng gubyerno tulad ng National Commission for Culture and the Arts at Cultural Center of the Philippines bilang natatanging samahan ng mga manggagawang pangkultura sa hanay ng paggawa.

Ayon sa mga kritiko, tanging ang Teatro Pabrika lamang ang kauna-unahang nagpalabas ng mga produksyong tumatalakay sa usapin ng globalisasyon at usapin ng uri. Ang produksyong tinutukoy na ito ay ang "Kuwatro Kantos" na itinanghal sa Dulaang Rajah Soliman sa Fort Santiago noong 1995 at sa Unibersidad ng Pilipinas noong Agosto at Setyembre 1995.

Nagawa nito ang unang casette tape album - ang Haranang Bayan. Naisulat din ang oryentasyon sa Kultura at Gawaing Pangkultura sa Hanay ng Paggawa.

Sa pagpasok ng 1996 muling nakapagbuo ang Teatro Pabrika ng mga grupong may kakaibang talento sa pagtugtog ng mga instrumento at pag-awit. Ito nga ang grupo ng GALANT ng Pamcor at ang grupong pangkultura sa Reliance Ceramics sa Cainta, Rizal. Bagamat marami ang kasapian nitong nangawala dahil sa patuloy na tanggalan sa pabrika, nagawa pa rin ng Teatro na manguna sa pagbubuo ng ALYANSA Inc. - mas malawak na samahan ng mga manggagawang pangkultura sa Kamaynilaan. 

Ang Teatro Pabrika rin ang nanguna sa programa sa Slam APEC movement at sa mga simbolikong programa sa kongreso ng Kapatiran ng mga Pangulo ng Unyon sa Pilipinas (KPUP) na ginanap sa Rubberworld Compound sa Novaliches noong Nobyembre 1996.

Pagsapit ng 1997, buong sikap na hinawakan ng Teatro Pabrika ang programa sa kampanyang TEMIC kaya nga nakapagbuo rin ng grupong pangkultura mula sa pagawaang ito. Maging sa kampanya sa CBA ng uri at kampanyang P108, ang mga pagtatanghal at mga awit nito ay laging makikita at maririnig. Tulad ng kinagawian at tungkuling dapat gampanan sa iba't ibang pagawaan at imbitasyon ang Teatro Pabrika'y laging naroroon.

Nagpatuloy ang pagkilala sa TP sa kilusang kultural sa buong bansa. Sa katunayan ang kinatawan nito ay nahirang na isa sa pangalawang tagapangulo sa Committee on Dramatic Arts ng National Commission for Culture and the Arts. At sa pagbubuo ng Alyansa ng mga Manggagawang Pangkultura sa Kamaynilaan at Karatig Pook, ang Teatro Pabrika ay kinilala bilang pangunahing kasaping tagapagtatag nito.

Pagpasok ng 1998, naging abala naman ang Teatro Pabrika sa eleksyon. Sa panahong ito ay napasama na rin ang mga bagong grupong naitayo mula sa Plaza Fair Manila at Wrangler Phils. Sa mga imbitasyon at pagtatanghal ay laging kasama ang pangangampanya sa Sanlakas, kay Edcel Lagman at iba pang kandidatong pinagpasyahang ipanalo at suportahan.

Ang produksyong pinamagatang "ULTIMATUM" na itinanghal sa Rubberworld Compound sa Novaliches noong Nobyembre 28-29, 1998 ay muntik nang maging ultimatum sa Teatro Pabrika sa halip na ultimatum sa mga kapitalista na siyang nilalaman ng dula. Dito nakaranas ng matinding krisis ang Teatro dahil sa pagkalugi ng produksyon.

Sa kasalukuyan (1999), lumiit ang kasapian ng Teatro Pabrika. Mayroon mang nadadagdag ay mas marami ang nawawala at nadidisloka. Ang mga fulltimer ay nagkakaroon ng kahirapan sa usaping pinansyal na gugugulin sa gawain at pampamilyang pangangailangan, kaya nga't kahit ang simpleng pagpupulong ng mga ito ay may kahirapang isakatuparan. Matuloy man ang pagpupulong ay tiyak na halos kalahati ang kulang.

Totoong matinding hagupit ng krisis ang kasalukuyang nararanasan ng Teatro Pabrika, ngunit hindi ito mapagpasyang salik upang lubusang tumigil at manghina. Patuloy ang pagsisikap ng grupo na muling pasiglahin, palawakin at pakilusin ang mga kasapi nito at maging ang mga grupong pangkultura sa iba't ibang sektor. Sa katunayan, napakaaktibo ngayon ng Alyansa Inc. na siya ngayong nangunguna sa pagbubuo ng pambansang samahan ng mga manggagawang pangkultura. Ang mga suliraning may kinalaman sa usaping pinansya ay sama-sama o kolektibong nireresolbahan sa tulong ng mga kasama, kapanalig at kaibigan. Higit sa lahat, ang usapin ng pagtuklas at pag-aaral sa larangan ng gawaing pangkultura ay patuloy na pinagyayabong at pinauunlad sa tulong ng iba pang kasama sa larangang ito ng pakikibaka.

Ang mga karanasang ito ay masasabing hamon sa paninindigan at bisyon ng Teatro Pabrika upang higit na pag-ibayuhin ang pagkilos, paggigiit at pagtuklas sa kahalagahan ng sining at gawaing pagkultura sa pakikibaka. Karanasan itong magbibigay linaw sa direksyon sa gawaing pangkultura sa pagsusulong ng sosyalismo.

Sa susunod: Direksyon at tungkulin sa pagpapalaganap ng proletaryong kultura.




Ang salaysay na ito ni Bobet Mendoza ay dapat pang dugtungan. Narito ang sa palagay namin ay balangkas ng mga dapat pang sulatin:

Ikalimang yugto (1999-2001 hanggang sa kamatayan ni Ka Popoy Lagman, pangulo ng BMP mula pa 1995)

Ikaanim na yugto (2001-kasalukuyan)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento