Miyerkules, Pebrero 1, 2012

Haranang Bayan


HARANANG BAYAN
Titik nina: Bobet Mendoza, Mar Laguna, Ojie Santos at Oscar Roman
Himig nina: Mar Laguna, Joey Asidera, at Bobet Mendoza
Instrumentalista: Bobet Mendoza para sa gitara (nylon); at Noel Cabangon para sa gitara (steel, lead), kubing, tongatong, synthesizer (drums) at plauta
Umawit: Evelyn Tila; at Allison "Ariel" Opaon; Teatro Pabrika (koro)

Solo:
Kami sa maghapon ang pawis ay tumutulo
Sa katawan at bisig kadalasa'y natutuyo
Bawat isa sa atin ay di nagkakalayo
Gutom at hirap ating natatamo.

Solo:
Sa tinakbo ng kasaysayan
Marahil ay alam mo na
Bayan na sinasabing mayroong demokrasya
Ang katotohanan ay dapat na nating makita
Sa haranang ito sana ay madama.

Dueto:
Awit namin ay dinggin
At inyong bigyang pansin
Ito'y para sa amin, sa kanila at sa inyo rin

Solo:
Awit ng ating buhay
Mula noon hanggang ngayon
Halina't samahan
Huwag sayangin ang panahon.

Koro:
Ang mga awiting sa inyo ay aming alay
Awit ng pag-ibig at ng aming buhay
Ng pakikibaka ng sambayanan
Tungo sa ating minimithing kalayaan.

Haranang Bayan ang tanging gamit
Sana'y maging aral ng mithii'y makamit
Sa tulog na isipan at matang nakapikit
Sana'y maging daan sa kalayaang laging sambit.

Masarap damhin kung tayo ay sama-sama
Sa anumang larangan, antas ng pakikibaka
Sa paraang ito ng gawaing pangkultura
Ambag sa pagbabago, tayong lahat magkaisa
Ambag sa pagbabago, tayong lahat magkaisa.

Haranang Bayan!




(Sinipi ang awit na ito mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.)




Paliwanag mula sa album na pinamagatang Haranang Bayan:

HARANANG BAYAN

Isang nakagawiang paraan ng mga manggagawa sa pagpapalaganap at pagpapahayag ng mga problemang kanilang kinakaharap sa loob at labas ng pagawaan ay sa pamamagitan ng mga awitin, ang "Haranang Bayan". Ito'y pananapatang kinapapalooban ng mga makauring awitin at mga orihinal na komposisyon ng mga manggagawa. Layunin din nito ang paghingi ng tulong pinansyal at materyal sa mga bahay-bahay, sa komunidad, mga institusyon at iba pang mga samahan upang matugunan ang mga gastusin sa panahon ng paghahanda sa isang pagkilos, laluna sa panahong ang mga manggagawa ay nasa piketlayn. Batay sa karanasang ito, isang mabisang paraan din ng pagpapalaganap ng kulturang manggagawa ang Haranang Bayan.

Ang Teatro Pabrika ay samahan ng mga grupo at manggagawang pangkultura na nagmumula sa iba't ibang pagawaan. Ito ang tumatayong sentrong samahan ng mga manggagawang pangkultura sa National Capital Region at Rizal (NCRR).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento