SWEET NA SWEET
Titik at Himig nina: Mar Laguna at Leo Chavez
Instrumentalista: Noel Cabangon para sa lahat ng gitara at synthesizer (tambourine, cymbals, bonggos); at Rey Arsulo para sa marakas
Umawit: Connie dela Cruz at Allison "Ariel" Opaon
Binata:
Kaytagal ko nang nanunuyo sa mahal kong sinasamba
Araw-gabi iniisip, gusto'y laging nakikita.
Dalaga:
Sa isip ko'y walang-wala ang salitang pagsinta
Gusto ko'y laging mag-overtime para ako magkapera.
Binata:
Paano naman ang puso kong tinatambol ng pag-ibig
Sulyap dito, sulyap doon, sa pisngi mo nakatitig
Nangangarap, umaasam tayong dalawa'y magsing-ibig
Pati unan gutay-gutay sa umaga pagkagising.
Dalaga:
Ikaw ba'y may pera na't ako'y iyong pinipili
Pambili nga ng sigarilyo'y nanghihingi ka pa ng diyes.
Binata:
Handa ako na kumayod, pati hweteng papasukin
Upang pera'y makalikom saka kita hihimukin
Sabay halik sa pisngi mong parang manggang manibalang
Kagatin mo't di kagatin, tutulo ang iyong laway.
Dueto:
Ngayon kami'y magsyota na
Very loving at sweet na sweet
Kaya lang ay may problemang
Di namin maiwaglit
Paano kung makasal nang saka kami magkapaslit
Makakain ba ng anak ang salitang "sweet na sweet"
Maghahanda muna kami saka kami manglilingkis
Maghahanda muna kami saka kami manglilingkis
Nang "sweet na sweet".
(Sinipi ang awit na ito mula sa cover ng cassette tape album na pinamagatang "Haranang Bayan", na inihandog ng Teatro Pabrika sa pakikipagtulungan ng Philippine Educational Theater Association (PETA), na inilunsad noong mga unang bahagi ng 1990s.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento